Mga Pagbabago

Dalawang libo, walong daan, limampu't pitong segundo na ang nakakalipas at heto pa rin ako, tulala sa pader kung saan ikaw ay nakasandal nang mag-almusal tayo kaninang umaga. 

 

Hindi ka pa rin nagbago, alam mo ba yun? Mayroon lang konting linya na dumagdag sa iyong noo, konting kamot sa gilid ng 'yong mga mata, konting bagal sa bawat pagbigkas ng ‘yong mga salita; at nagbabalik - isang malaking bakuran na tila nakapalibot sa’yong buong katawan, kung san mo sinusuksok ang puso mong ayaw na muling masaktan. 

 

Natibag ko na yan dati, wag ka magalala. Alam ko pa rin saan mahina ang pundasyon, at kung gaano katagal bago ko muling masilayan ang iyong diwa na wala kang tinatago, at nang walang halong takot. Nabigay mo na yan sakin, dati. At naglaan na ako ng oras para tibagin yan, parati.

 

Gusto ko lang malaman mo na wala rin nagbago sakin. Hindi ko alam san planeta ko napulot ang aroganteng feeling na wala na akong pakielam sayo, na kaya ko makita ka at wala akong mararamdaman, na ayain ka mag breakfast, dahil ready na ako maging kaibigan mo. Engot. Plastik. Siraulo. Martir. Hindi rin pala ako nagbago. 

 

Hindi ko sinabi sayo, nung tinanong mo ako kung kamusta na ako, na hindi ako makatulog kagabi sa sobrang excited ko na makita ka. Iniimagine ko na pwede na ulit kita i-hug na walang malisya. Kaya na ulit kita titigan nang hindi umiikot ang aking tiyan. Pwede na ulit ako mag-biro at tumawa na parang tulad ng dati, nung tayo’y matalik na magkaibigan pa lamang, tawa na walang poise, halakhak na walang pakielam kung matatawa ka din, o magmumuka lang akong tanga.

 

Pero, hindi. Nagyari pa rin yung weird, slowmo, faded-lahat-ng-bagay-bukod-sayo scene sa utak ko nung pumasok ka sa gate ng bahay namin kanina. Gusto kitang halikan. Hindi yung kadiri na halik. Yung - bagong gising pero ang gwapo mo halika nga dito, mahal na mahal kita, tama na, tayo nalang ulit - kind of halik. Gusto ko sabihin na hindi pa din bagay sayo yang engot na gupit ng buhok mo na masyadong manipis sa gilid. Gusto kita yakapin para lang maamoy yung pabango mo na laging mas mabango pag humalo na sa pawis mo. Gusto kitang titigan, gusto kita hagkan muli, gusto ko hawakan ang ‘yong mga kamay, gusto ko mag-sorry, gusto ko akin ka nalang ulit.

 

Heto parin ako, apat na buwan na ang lumipas mula ng tayo’y mapagod; apat na taon na ang dumaan mula nung una tayong ginanahan mag-mahal, at ikaw pa rin ang leading man sa bawat istorya ng buhay ko. Marami akong tanong, at marami din akong sagot sa bawat tanong na alam kong never mong itatanong kasi ma-pride kang tao. Pero hanggang dito na nga lang ata tayo.

 

Hindi pa rin ako nagbago. Hindi ko pa rin ipipilit ang sarili ko, dahil alam ko naman na ako ang may kasalananan kung bakit ganito tayo ngayon. Magkaibigan na lamang, matapos magka-ibigan. Hindi rin naman ako aasa. Wala sa dugo ko ang mag-hintay, o ang mag-alampay ng pag-ibig sa mga balikat na alam kong umawat na.

 

Hindi ka pa rin nagbabago, mahal ko. Ikaw pa rin ang tala at buwan at musika at araw at dagat at lahat ng bagay na mahal ko, all rolled into one. Ikaw pa din ang dahilan kung bakit hindi ako nakakatulog sa gabi, at bakit ang aga-aga ko nagising (punyeta, four thirty ba naman).

 

Ikaw lang ang gusto kong makasalo pag almusal, at ikaw lang ang ninanais ko mahagkan habang tahimik na bumubuhos ang ulan. Walang pagbabago, wala nang iba; ikaw pa rin, ikaw lamang, ako nalang ulit sana.