Ang Panibago
Kaninang umaga ka pa nasa trabaho.
Kaninang umaga pa rin ako aligaga at hindi makapag isip ng maayos.
Sa gilid ng kama ko ay isang baso ng kalahating-ubos na kape mula pa kahapon - noong pinilit natin ipagkasya ang ating mga sarili sa ready-na-maging-forever-single bed mattress ko. Gumising ako ng maaga, naligo, gumawa ng kape at tumabi sayo para gisingin ka na rin. “Kailangan mo na bumangon, may lakad pa ako at marami akong mga gagawin.” Naalimpungatan ka, ngumiti, hinila ang aking mga braso, at nagnakaw ng isang inaantok pa rin ako wag ka nang umalis dito nalang tayo forever please - halik.
Alas syete na ng umaga bago tayo nakatulog; tila hindi sapat ang anim na oras na ginugol sa mga tanong na nagsimula sa trabaho, hanggang mapunta sating mga komplikadong pagkatao. Rock and roll ka - dala yung ala-spaceship mong van na puno ng mga damit, at may isang hard case ng gitara. Hindi naman tayo sa concert pumunta pero all-black yang suot mo. Artiste. Parang ako. Ikaw, music major, na may minor anger issues. Ako naman, major trust issues na may minor problem sa pagiging marupok.
Mahirap man aminin, pero heto na tayo. May mga bagay na tila mas madaling i-process kung ilalabas ko sa utak ko. Kahit na mejo dyahe, isusulat ko pa rin dahil sabi ko naman sayo - wala ako masyadong tinatago, at wala rin namang mawawala sakin. Ilang beses na akong nagpaka-tanga para sa pag-ibig. Ano ba naman yung magpaka-tanga ako ulit?
(Hinga.)
Hindi ako makahinga tuwing naiisip kita. Tila sa paglisan mo, isinama mo na rin ang puso kong ayaw na muling masaktan pa. Yung utak ko, andito nga, pero hindi naman gumagana ng maayos, at ayaw manahimik sa kaka-replay ng bawat eksenang naganap. Etong currently walang silbing mga braso ko, tila may hugis-ikaw na butas; nanghihina at ‘di makakilos, umaasa na babalik ka muli upang ako’y mabuo, kahit man lang sa kaunting sandali.
Hindi naman ako ganito. Hindi na ako naniniwala sa love at first tambay. Ang pag-ibig ay para sa mga tao lang na handa na muling mag-alay ng kanilang sarili para sa ikabubuti ng mahal nila. Wala pa ako dun, ni hindi ko nga ma-share yung softdrinks ko ng walang paghihinayang, eh. Puso ko pa kaya?
Pero bakit ganun, noh? Tatamaan ka talaga sa sandaling pinaka hindi mo inaasahan. Magugulat ka nalang na yung bawat salitang binibigkas nung bwisit na gwapo sa harap mo, nagkakaron bigla ng background music (Free Falling ni John Mayer, ‘yung live version na tahimik at parang sinulat specifically para sa moment na ‘to). Nung tumawa sya sa joke mo, natawa ka nalang din kasi -hanep yan yung pinaka walang kwentang joke ko ngayong gabi pero benta sayo ah bagay nga tayo gusto mo pakasal na? Tapos nung tinanong nya kung okay lang ba na hindi na muna sya aalis kasi gusto ka pa nya makasama, muntik mo nang sabihin na - teka, wala nang iwanan to… diba?
Mahal ko, hindi mo lang naitatanong pero, ako na siguro ang pinaka walang kwentang tao sa buong mundo. Hindi ako gaano kagandahan, at pag umibig na ng todo, nagiging mas bobo pa sa kung sino mang huling nanakit sayo. Pero bigyan mo ako ng pagkakataong hagkan ka muli. Hindi naman kita itatago sa mundo, pupuslit lang tayo ng matatamis na saglit. Hindi kita tatawagan kung mas trip mong mag text, at dadalhan kita palagi ng masarap na pagkain, dahil alam kong bano ako mag luto (kahit na yung favorite mo lang na fried eggs).
Pakikinggan kita kapag wala nang ibang gustong makinig sayo. Kakantahin ko ang bawat kantang kasalukuyang isinusulat nitong puso ko. Ibibigay ko ang mga tala, at buwan, at araw at musika, at istorya at lahat ng mga minamahal ko all-rolled-into-one, kung yan ang magiging kaligayahan mo. Kahit yung softdrinks na favorite ko, io-order ko nalang ng bago.
Hindi naman sa pagmamayabang pero, kaya kitang mahalin ng tunay. Yung tipo ng pag-ibig na magbibigay hustisya sa bawat masasakit na storyang ating tinapos na. Maniniwala ka ulit sa kasabihang, everyone happens for a reason. Matutulog ka ng mahimbing sa gabi, sa kaalamang may gigising sayo with 3-in-1 coffee kinabukasan. Tatawa ka na ulit, at yung tawa na sana hindi lang sa ‘yong mga labi kita. At kung iiyak ka man muli, iaakay ko ang iyong bawat luha.
Heto ang aking puso - sayong sayo na. Walang takot na sumusuko, at ready nang magpaka-tanga. Handang labanan ang bawat hamon, hangga’t hawak mo ang aking mga kamay. Tatalon sa panibagong araw, akay itong pag-ibig kong pang habambuhay.